Sa mundong maharot, at puno ng kulay
Onli in da Pilipins, dito napalagay
Ang organization, tawag ay Barangay
Na siyang taga-tugon, sa hamon ng buhay.
Siyang taga-pasan, ng mga problema
Siyang taga-salo, ng buntong-hininga
Taga-pamagitan, nitong mag-asawa
Na kapag nag-away, ay isasali ka.
Nang magpasarapan, ay hindi kasali
Si Tserman ay wala, kahit isang kendi
Ngunit ng mabuntis, tiyan ay lumaki
Hanap na ay Tserman, gagawing kumpare.
Naging ugali na, sa lahat ng dako
Basta may problema, sa Tserman ang takbo
Walang piling oras, Sabado ma’t Linggo
Kahit nakabaon, huhugutin ito.
At laging kasali, sa mga gastusan
Paglapit kay mayor, gasgas ang pangalan
Pag napalimit pa, napagbibintangan
Na merong komisyon, na usap-usapan.
Pinakamabigat, pag nagkakagulo
Si Tserman ang tawag, bilang Super Hero
Gagawing “pansalag”, sa saksak at bato
Sa taga at baril, “dyahi” pag tumakbo.
Taga-resolba pa, sa mga nakawan
Detective ang style, at pulis ng bayan
Palagi pang saksi, binyag at kasalan
Suspek pa ng misis, s’yay nalilimutan.
Kaya ayoko nang, muling maging Tserman
Buti’t kukunti na, peklat ng katawan
Sa ABC miting, kapag naiwanan
Tiyak na may multa, kung dadalwang daan.
Ang Tserman naman, ng mga barangay
Di na makagayak, di na makasuklay
Pati ang asawa, nagiging alalay
Gipit sa romansa, nagiging mataray.
Happy New Year na lang, mga magigiting
Ang Dakilang Diyos, kayo’y pagpalain
Kayo’y napalagay, sa inyong tungkulin
Dahil kaya ninyong, “yan ay balikatin.
Sunday, January 2, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment