Friday, June 25, 2010

P-NOY, PRESIDENTE AT HINDI ARTISTA

Sumasailalim sa isang literal na facelift si Pangulong Noynoy Aquino makaraang manalo sa halalan at maiproklamang susunod na pangulo ng bansa simula sa katanghalian ng Hunyo a trenta.

Ang pagbabagong anyong ito ay sa amuki ng mga nakapaligid kay P-noy na tila mas nababahala pa sa impresyon ng mga banyaga at mga taong kabilang sa mataas na lipunang ating ginagalawan. At ito ay kapapalooban ng complete outlook tulad ng pananamit, gupit ng buhok, eye glasses na isusuot at hitsura ng mukha.

In fairness to Pres. Noy na marahil ay nakulitan na sa mga sulsol ng mga nakapaligid kung kaya’t napilitan nang sumunod sa mga mungkahi na masasabing hindi naman kabilang sa kanyang mga prayoridad. Ito kaya ang senyales na may nabubuo nang lobby interest group sa kanyang paligid?

Ang katotohanan dito ay wala namang pangit sa orihinal na Noynoy Aquino, katunayan ay kung ano siya ang nagustuhan ng mayorya ng mga sumuporta sa kanya ng nagdaang halalan. Naging daan pa nga ito upang maka-relate si presidential candidate Noynoy sa damdamin ng masang Pilipino.

Wala namang masama kung magkameron man ng personality development si P-Noy subalit wala ring masama kung pananatilihin niya ang dating siya, sapagkat anuman ang pagbabago mula sa dati ay maaaring ipakahulugang isang cordon line laban sa mga karaniwang pinoy na mga nagnanais siyang maabot.

Sa maraming pagkakataon ay nai-kober na natin si P-noy, sa senado bilang senador at sa field bilang kandidato sa pagka-pangulo ng bansa. Ni minsan ay wala tayong nakita upang baguhin ang tungkol sa kanyang personalidad. Sa formal o sa informal attire ay masasabi kong ang nangingibabaw sa tuwina ay ang kayang pagiging pino at disente.

Para sa pitak na ito ay lubayan na na ninyo si Pangulong Noynoy sapagkat ang layunin naman ng mama ay makapaglingkod at maresolba ang mga daratnang suliranin ng bansa na kanyang mamanahin. Napakahalaga para sa kanya ang bawat sandali upang mapaghandaan ito kung kaya’t huwag na ninyo siyang abalahin sa mga walang kawawaan,

Ang bottomline dito ay kinakailangang may-report siya sa taumbayan makaraan ang isang daang araw bilang pangulo ng bansa at hindi bilang artista ng pinilakang tabing.

No comments: