Friday, June 25, 2010

HENRY AT IVY, MAY KAPWA DEBOSYON

Ang pag-ibig nila sa isat-isa’y nahalintulad sa mga karaniwang love story subalit kung isasaalang-alang ang mga naipundar nilang panahon bago ang kanilang pag-iisang dibdib ay masasabing higit itong dakila sa alin pa man.

May mga nagsasabing wedding of the decade sa Lunsod ng San Pablo ang kasal nina Henry at Ivy na ginanap kasabay ng pagdiriwang ng Independence Day noong Hunyo 12, 2010, na dinaluhan ng humigit kumulang na 5,000 panauhin mula sa lahat ng antas ng lipunan.

Sa dami ng mga nakisaya at bumati ay marahil nga subalit sa likod nito ay marapat ding mabatid ng madla ang mahigit na isang dekadang ipinaghintay ng magsing-irog bago tuluyang magpasya na bumuo na ng sarili nilang pamilya.

HAPPIEST PARENTS ON EARTH

Pinaka-maligaya ng mga sandaling yaon ay sina Atty. Hizon at Gng. Eva Arago sapagkat batid nilang ang mahal nilang si Ivy ay magiging kupkop ng pag-ibig ni Henry, at G. Serafin at Gng. Laureana Gapit dahil sina Henry at Ivy ay puspos ng pagmamahalang tinandis ng panahon.

Wala nang pagsidlan ng kasiyahan ang dalawang pamilya nang makitang nag-abala ang mga ninong at ninang na lubusang nakiisa upang saksihan ang pinakamahalagang sandali sa buhay ng mga ikakasal. Sa mga ganitong pagpapahalaga ay totoong walang puwang ang lungkot.

Principal sponsor sina President-Elect Noynoy Aquino, Supreme Court Justice Arturo Brion, Senator-Elect Franklin Drilon, Senator Mar Roxas, Cong. Procy Alcala, Gov. Alfredo V. Umali, Gov. Adolfo Edward Plaza, Atty. Antonio Acyatan, G. Ruben Mesinas at Mr. Rolando Ang.

Ang mga ninang sa kasal ay sina Pinky Aquino Abellada, Cong. Liwayway Vinzon-Chato, Dr. Ester LOzada, Labor Attache Luddy Rasul Tanedo, Belen Sulibit, Cong. Ma. Victoria Sy-Alvarado, Pilar R. Carlos, Patricia R. de Guzman, Letecia A. Concepcion at Betty B. Nantes.

LOVA AFFAIR MULA SA SOUENIR PROGRAM

Katulad ng ibang dakilang pag-iibigan na humahanap ng kaparaanan upang mabigyang laya ang tibok ng puso ay nakilala ni Henry si Ivy sa pamamagitan ng souvenir program ng Lions Club kung saan may advertisement ang Siesta de Residencia de Arago.

Si Ivy ang namamahala ng naturang istablisemento samantalang si Henry ang salesman ng kanilang industrial battery family business sa Lunsod ng Lucena. Pinag-ugnay sila ng mga long distance call hanggang magkita sa kauna-unahang pagkakataong noong Nobyembre 2, 1997.

Nagkaunawaan ang kanilang mga puso noong Pebrero, 1998 at mula noo’y itinalaga ni Henry ang sarili sa mahabang paghahanda para sa buhay may pamilya. Namasukan siyang office assistant sa isang manananggol bago nalipat sa Chowking bilang sales manager sa Mindanao noong taong 2000.

LOVE AND DEVOTION

Makaraang maging SK president ng Brgy. San Francisco Calijan ay lumahok sa halalan si Ivy noong 2004 kung saan nagwagi siyang no.1 councilor ng San Pablo at palibhasa’y may angking kakayanan sa pakikipag-kapwa tao ay nahalal na kongresista ng ikatlong purok ng Laguna noong 2007.

Proud man si Henry sa tagumpay ng kasintahan ay nanatili siyang low profile at lagi lang nasa background upang sumuporta’t magbigay lakas loob kay Ivy. Naging panata ng kanyang pag-ibig ang kaligtasan ng mambabatas hanggang magpasyang magbitiw sa trabaho at mag-negosyo na lamang upang higit niyang mapangalagaan si Ivy.

Ang debosyon nila sa pag-iibigan ay nagresulta ng kapanatagan sanhi upang muling magwagi si Cong Ivy sa kanyang reeleksyon noong Mayo 2010.

VICTORY AND WEDDING DAY CELEBRATION

Isang victory party ang orihinal na inihahanda ng magkasintahan, hanggang kanilang mapagpasiyahang isabay na ang balaking pagpapakasal na sasaksihan ng lahat ng barangay ng distrito. Para sa dalawa ay sapat na ang mahigit na sampung taon upang lubusan nilang makilala ang isa’t-isa, at sa piling ng mga constituents ay ang naisin ng magsing-irog na siyang mga makasaksi sa bagong kabanata ng kanilang buhay.

Ayon kina Henry at Ivy “Ang saya at tagumpay ng aming simula ng bagong buhay ay ibinabahagi naming sa inyo”.

No comments: