Friday, April 23, 2010

DI-PORMAL NA MANGGAGAWA DAPAT TULUNGAN- IVY ARAGO

Liliw, Laguna - Naniniwala si Congresswoman Ma. Evita R. Arago ng ika-3 distrito na ang informal sector sa lipunan ng paggawa ay dapat na masinop na pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaang lokal, sapagka’t sa ibang mga bansa, tulad ng kararasan sa Hong Kong, sa South Korea, sa Taiwan, at maging sa Singapore at Malaysia, ang sektor na di-pormal ay bahagi ng matatag na sandigan ng kanilang kabuhayang pambansa o national economy.

Ayon kay Ivy Arago nang siya ay dumalo sa isang papulong ng Liga ng mga Barangay dito, sa isang pag-aaral ng Department of Labor and Employment (DOLE), napag-alamang ang 80% ng manggagawa sa bansa ay nabibilang sa mga di-pormal na manggagawa, tulad ng mga jeepney and tricycle driver, magtitinda sa bangketa, mga komukontrata ng gawain sa sistemang pakyawan, mangingisda at magsasaka, o ang mga manggagawang walang katiyakan ang pagkita, na karaniwang ang mga ito ay walang tinatanggap na tulong na panglipunan, tulad ng health insurance, at sistema ng pag-iimpok para sa panahon ng kanilang katandaan ay magkaroon ng pinagkikitaan, tulad ng pensyon. Kaya, para sa makatotohanang katatagan ng bansa, ang sektor na ito ay dapat tulungan upang maging malakas, matatag, napangangalagaan, at napagkakalooban ng kapanatagan upang maging produktibo at kapakipakinabang sa lipunan.

Ang maitutulong ng mga yunit ng pamahalaang lokal ay ang pagkakaloob ng puhunan, tulong upang masakop ng Pambansang Palatuntunang sa Kaseguruhang Pangkalusugan (National Health Insurance Program), at tulad ng ipinatutupad ni Gobernador Ayong Malicsi sa Cavite ay pagkakaloob ng life insurance coverage sa mga jeepney driver at marginal fishermen.

Isang magandang pagkakataon, na nang manungkulan si Speaker Prospero Nograles, nasusugan ang alituntunin sa paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), kaya ngayon ay maaari na itong gamitin para matustusan ang mga health and social aid packages, kaya bagama’t bilang kongresista, kanyang pananagutan ang bumalangkas ng mga batas na ang layunin ay ang kagalingang pambansa, siya ay bumabalangkas ng pangdistritong palatuntunan sa layuning makatulong sa pagtataas ng antas ng pamumuhay ng kanyang mga kalalawigan, sa tulong ng mga alkalde at punong barangay sa walang pagtatangi kung kapartido o hindi. Nabanggit ni Ivy Arago na gagabayan ng kanyang karanasan sa nakalipas na anim ng taon bilang mambabatas, ay magaan na niyang mapagsisikapang makapagpatupad ng mga palatuntunang panglipunan, tulad ng pagkakaloob ng scholarship sa mga anak ng nasa informal sector, at pagsisikap na ang mga paglilingkod na pangkalusugan ay madama ng mga mahihirap na karaniwang naninirahan sa mga liblib na kanayunan, o sa mga masisikip na bahagi o blighted areas ng kabayanan. Sa kahilingan ng mga punumbayan, ay marami rin siyang naipatala sa PhilHealth upang magtamo ng biyayang medicare para sa mahirap.

Sa dipinisyong ibinigay ni Ivy Arago, ang manggagawang nabibilang sa informal sector ay ang mga karpintero at mason na namamakyaw ng gawain, mga tsuper ng jeepney at tricycle, mga magtitinda sa bangketa o walang regular na puwesto, mangingisda, magsasaka o magtatanim ng palay at gulay, at kasama na ang mga nagsusulong ng cottage industry na sila ang gumagawa, namumuhunan, nagbibili o namamahagi ng produkto o paglilingkod na kanilang ipinagkakaloob kapalit ng napagkakasunduang kabayaran. Maitutulad sila sa may paggawaan na sila rin ang tauhang gumagawa. (Ruben E. Taningco)

No comments: