Thursday, April 22, 2010

BINTANG UKOL SA IVYVILLE, PINABULAANAN

Nagcarlan, Laguna---Mariing pinabulaanan ng mga opisyal Sibulan-Ivyville Homeoners Assosciation ang bintang na harassment na lumabas sa ulat ng isang pahayagan batay sa salaysay ng isang guro kamakailan.

Sa panayam ng Tribune Post kina Irene Solmoro at Erinita Commendador, pangulo at direktor ng nasabing samahan ay kanilang nilinaw na kahit kailan ay walang naganap na pananakot kaugnay ng sinasabing binibiling right of way sapagka't sa ngayon naman ay hindi pa ito kailangan bukod pa sa mayroon naman ibang madadaanan.

Ang unang pinagsusumikapan ng samahan ay mabili na ng gobyerno ang pribadong lupaing may sukat humugit kumulang sa 6,000 sq. m. upang maipamahagi sa 71 residente ng nasabing lugar at hindi ang 557 sq. m. na sinasabing ng gurong si Leonida S. Manzano na posible anilang nagagamit lang ng ilang interes.

Sa ngayon ay hawak na ng samahan ang notaryadong INTENT/OFFER to SELL mula sa may-aring si Aida H Padilla ng Marikina City at INTENT TO BUY sa ngalan ng samahan. Nilalakad na ito sa National Housing Authority (NHA) na siyang direktang magbabayad ng lupa kay Padilla.

“Nahihiya nga po kami kay Cong. Ivy Arago dahil siya ang tuwirang tumutulong sa amin na mapabilis ang proseso ng dukumentasyon subalit kung anu anong malisyosong akusasyon pa ang ibinabato ng kanyang mga kalaban sa pulitika dahil sa pag-alalay sa mga member beneficiaries” pahayag nina Solmoro.

Pinalilitaw sa ulat na pribadong transaksyon ni Arago ang Sibulan-Ivyville subalit ang katotohanan dito ay nasa ilalilm ito ng proyektong Land Tenurial Assistance Program (LTAP) ng NHA., kung saan babayaran muna ng pamahalaan ang lupain at hulugang babayaran naman ng mga benepisyaryo sa gobyerno.

Kung sakaling maisakatuparan ang proyekto ay magiging pangatlong housing project ito ni Arago sa distrito.Una nang nai-award ang mga lote sa Danbuville at Masapang Ivyville sa bayan ng Victoria. (SANDY BELARMINO)

No comments: