Sunday, August 29, 2010

AMANTE, WAGI SA PCL ELECTION

Sta. Cruz, Laguna- Nagwagi si San Pablo City Councilor Dante B. Amante sa pagka-pangulo ng Philippine Councilors League (PCL) Laguna Chapter sa idinaos na halalan nang nakaraang Martes sa kapitolyo ng lalawigang ito.

Ginapi ni Amante sina incumbent PCL President Alehandro Yu at Biñan Councilor Vicente Tan Gana. Pumangatlo lang si Yu samantalang naging mahigpitan ang labanan ng konsehal mula San Pablo at Biñan.

Kapana-panabik ang naging bilangan kung saan sa unang 50 sa 301 bumoto ay umabante si Amante laban kay Tan Gana sa iskor na 23-16, naging 38-38 sa pangalawa, 54-52 sa pangatlo, 73-79 sa pang-apat pabor kay Tan Gana, 96-95 sa panglima, hanggang sa pinal na 119-111 pabor kay Amante.

Si Yu ay nagkamit lamang ng 69 boto sa kabuuang bilang.

Bilang PCL president ay manunungkulang board member ng lalawigan si Amante bilang ex-officio member.

Ang iba pang nagwagi ay sina councilors Brigido Bagayana, Paete, vice-president; Ma. Ayessa Ticzon, Liliw, secretary-general; Kenneth Ragaza, kalayaan, treasurer; Emelita del Moro, Pakil, Business Manager; Florito Esedillo, Kalayaan, PRO; at Laarni Malibiran, Sta. Cruz, auditor.

Nagwagi naman bilang mga board of director sina councilor Belen Raza, Lumban; Atty Hipolito Briones, Sta. Maria; Leonardo Malagno, Bay; Atty. Leif Opeña, Cabuyao; Armando Taguilaso, Luisiana; June Asina, Sta. Cruz, Ismael Hernandez, Cabuyao at Walter Macabuhay, Victoria.

No comments: