Sunday, August 29, 2010

COMPUTER VAN ARALAN NI CONG IVY, NASA VICTORIA NA

Victoria, Laguna- Kaugnay sa nalalapit na Itik Festival sa bayang ito sa Nobyembre ay maghahandog sina Congressman Ma. Evita Arago at Mayor Nonong Gonzales sa mga residenteng nais matuto ng computer basic operations sa pamamagitan ng computer van aralan.

Ang pre-festival computer literacy training program ay maisasakatuparan sa tulong ng Ai-Hu Foundation at Tesda-Laguna kung saan ang gagamitin ay literal na van na naikombert bilang classroom at naglalaman ng 21 makabagong computer.

Hindi na bago sa distirito ang naturang van aralan sapagkat nang nakaraang mga buwan ng Pebrero at Abril taong kasalukuyan ay humigit kumulang sa 300 ang nagsipagtapos dito nang unang itaguyod ni Cong. Arago sa Lunsod ng San Pablo.

Natigil lang ito dahil sa pagsunod ng mambabatas sa election ban na ipinag-uutos ng Comelec.

Nananawagan sina Cong Arago at Mayor Gonzales sa mga interesadong matuto na magpatala ng maaga sapagkat limitado ang bilang ng mga mag-aaral na maaaring tanggapin.

Bukas ang pagsasanay sa mga istudyante, mga kawani, housewife, ano man ang edad. Ang interview sa mga aplikante ay sa Agost 27, 2010, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa munisipyo ng bayang ito. Magsisimula ang klase sa Setyembre 6 hanggang Nobyembre.

Para sa karagdagang katanungan ay makipag-ugnayan lamang kina John Cigaral sa CP No. 0929-2446165, Ricky Sioson 0919-6375504 o tumawag sa local na pamahalaan sa telepono (49) 559-04-33. (Seven Lakes Press Corps)

HEALING MINISTRY NI FATHER SUAREZ, TELEVISED NA

Alfonso, Cavite - Sa tuwing ikalawa at ikaapat na Linggo ng buwan ay matutunghayan na sa Channel 5 ang healing grace mass ni Father Fernando Suarez na isinasagawa sa Monte Maria, Brgy Amuyong sa bayang ito.

Layunin nito ayon sa healing priest na mapalaganap ang ebanghelyo sa higit na nakararami tungo sa ikauunawa na kaakibat ng healing ay ang lubusang pagsisisi ng kasalanan upang maging nararapat sa pagkalinga ng Maykapal.

Ito ay habang itinatayo pa sa lugar na ito ayon sa master plan ang magiging tahanan ng Mary Mother of the Poor kung saan inaasahang dadayuhin ng mga mananampalataya ng bansa maging ng buong daigdig.

Kasama sa master plan ang pagtatayo ng mga bahay sambahan at rosary garden na pag-uugnayin ng malawak na daan sa nalolooban ng 15 ektaryang pilgrimage site, kasama na ang 101-metrong imahen ni Mother Mary.

Ang Monte Maria ay dating nasa Batangas City subalit nalipat sa lalawigang ito sanhi ng di pagsang-ayon ng isang mambabatas sa mga balakin ni Father Suarez na mapalawak ang lugar na atas ng lumalaking gawaing ispiritwal ng mga mananampalataya.

CONG IVY THIS WEEK

Tatlong magkakasabay na aktibidades ang inilunsad ng Tanggapan ni Cong Ivy Arago nang nakaraang Linggo at ito’y ang Medical and Dental Mission sa Alaminos, Laguna at Schetelig Avenue, Lunsod ng San Pablo, Mobile Library Program sa Brgy. Sta. Monica at ang pagbubukas ng Computer Van Aralan sa Victoria, Laguna.

Bukod pa dito ay nakapagsagawa rin ng feeding program sa ilang indigent barangay na ang mga nakinabang ay mga grades school pupil at mga nasa kindergarden.

Record breaking ang dami ng mga pasyente sa Alaminos na tinatayang aabot sa tatlong libo at limang daan, kaya naman alas siyete na ng gabi ay patuloy pa rin ang gamutan upang mapagbigyan ang mga dumagsa upang samantalahin ang libreng gamot at gamutan.

Sumatotal ay lima na ang nairaos na medical mission ni Cong Ivy sa nakalipas na apat na linggo.

Ito daw kasi ang kailangan ng distrito ayon kay Cong. Ivy dahil usong-uso sa ngayong tag-ulan ang sakit tulad ng dengue. Hindi raw ito dapat ipagwalang bahala kung kaya’t dapat pag-ingatan ng lahat ang kalusugan upang makaiwas sa karamdaman.

0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0

Sa pakikipag-ugnayan sa Tanggapan ni Victoria Mayor Nonoy Gonzales ay ilalapit ni Cong. Ivy ang computer van aralan sa nasabing bayan upang bigyan ng pagkakataon ang mga residente doon na matuto ng basic computer operation. Ang proyekto ay sa pakikipagtulungan ng Ai-Hu Foundation at Tesda, Laguna.

Pagkakalooban ng sertipiko ng kasanayan ang mga magsisipagtapos sa computer van aralan at isa ito sa highlight sa idaraos na Itik Festival ng mga taga-Victoria. (SANDY BELARMINO)

AMANTE, WAGI SA PCL ELECTION

Sta. Cruz, Laguna- Nagwagi si San Pablo City Councilor Dante B. Amante sa pagka-pangulo ng Philippine Councilors League (PCL) Laguna Chapter sa idinaos na halalan nang nakaraang Martes sa kapitolyo ng lalawigang ito.

Ginapi ni Amante sina incumbent PCL President Alehandro Yu at Biñan Councilor Vicente Tan Gana. Pumangatlo lang si Yu samantalang naging mahigpitan ang labanan ng konsehal mula San Pablo at Biñan.

Kapana-panabik ang naging bilangan kung saan sa unang 50 sa 301 bumoto ay umabante si Amante laban kay Tan Gana sa iskor na 23-16, naging 38-38 sa pangalawa, 54-52 sa pangatlo, 73-79 sa pang-apat pabor kay Tan Gana, 96-95 sa panglima, hanggang sa pinal na 119-111 pabor kay Amante.

Si Yu ay nagkamit lamang ng 69 boto sa kabuuang bilang.

Bilang PCL president ay manunungkulang board member ng lalawigan si Amante bilang ex-officio member.

Ang iba pang nagwagi ay sina councilors Brigido Bagayana, Paete, vice-president; Ma. Ayessa Ticzon, Liliw, secretary-general; Kenneth Ragaza, kalayaan, treasurer; Emelita del Moro, Pakil, Business Manager; Florito Esedillo, Kalayaan, PRO; at Laarni Malibiran, Sta. Cruz, auditor.

Nagwagi naman bilang mga board of director sina councilor Belen Raza, Lumban; Atty Hipolito Briones, Sta. Maria; Leonardo Malagno, Bay; Atty. Leif Opeña, Cabuyao; Armando Taguilaso, Luisiana; June Asina, Sta. Cruz, Ismael Hernandez, Cabuyao at Walter Macabuhay, Victoria.

Saturday, August 14, 2010

TEN MOST WANTED PERSON SA FACEBOOK, INILUNSAD NG LAGUNA PPO

Bay, Laguna- Inilunsad dito ng Laguna Provincial Police office (LPPO) ang pinakabagong inobasyon sa pagsugpo sa kriminalidad sa pamamagitan ng facebook kung saan naka-post ang pangalan at larawan ng mga taong pinaghahanap ng batas.

Ang proyektong Laguna Most Wanted Criminals (LMWC) sa facebook ay brainchild ng bagong talagang provincial police director P/Supt Gilbert Cruz ay naglalayong mabigyan ng babala ang publiko laban sa mga wanted person na posibleng nakikisalamuha lang sa mga komunidad na pinagtataguan.

Nakapaloob sa facebook ang sampung wanted person sa bansa, sa Laguna at sa mga bayan-bayan ng lalawigan kung saan 28 bayan na ang posted sa 30 bayan at lunsod ng probinsya.

Inaasahang positibong magbubunga ang LMWC project ng kapulisan sapagkat ang facebook sa ngayon ay isa sa mga internet site na binibisita at tinitingnan ng humigit kumulang ng 80 milyong miyembro dito sa bansa maging sa buong mundo.

Kaugnay nito ay pinayuhan ni PD Cruz ang publiko na ipagbigay alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang mga kahinahinalang umaaligid sa kanilang lugar lalo pa’t kumpirmadong naka-post sa facebook bilang wanted person upang makaiwas sa panganib.

Ipinabatid pa ni Col. Cruz sa publiko na ang bawat kasama sa most wanted criminal ay sangkot sa mga heinous crime, na anumang oras ay maaaring maghasik ng lagim makatiyak lamang na hindi masusukol ng batas.

Si PD Cruz ang dating hepe ng kapulisan sa mga Lunsod ng San Juan at Makati kung saan tinawag siyang Robocop dahil sa paggamit ng robot laban sa terorismo. (NANI CORTEZ)