Tuesday, March 2, 2010

BIDA

Kung may sektor na sumisikat kapag panahon ng halalan ay ito ang hanay ng mga mahihirap na ginagamit ng mga naghahangad na maluklok sa tungkulin na perlas sa kailaliman ng dagat ang turing sa mga maralita.

Ang pagiging mahirap tuloy ay lumilitaw na isang katangian at ang lahat ay gumagawa ng kaparaanan sa kung paano makakaugnay sa nasabing sektor upang mabingwit at makuha ang simpatiya ng masa.

Sa kung bakit nagiging bida ang mga dahop sa ganitong mga pagkakataon ay sapagkat sa kahalintulad na panahon lamang nagkakaroon ng tunay na pagkapantay-pantay ang lahat, sa dahilang ang boto ng isang pobre at ng isang nakaririwasa ay kapwa isang bilang lamang sa kanilang mapipiling ihalal.

Tinatawag itong kilatis sa alahas kung baga kaya naman pinupuntirya ng lahat ng mga trying hard politician natin sa ngayon sa pamamagitan ng mga katawa-tawa at kakila-kilabot na pagpapanggap na tagapag-sulong ng hanay at kadalasan pa’y ang pagganap na animo’y miyembro ng sektor maralita.

May mga pulitikong nagtagumpay sa ganitong modus ng mga nagdaang panahon subalit nang maluklok sa kapangyarihan ay dagliang lumimot sa sumpaan dahilan upang ang mga mahihirap ay manatiling nagdurusa.

Nagbukas ito sa kanilang kaisipan kung kaya’t ang sektor na ito ay napanday ang isip upang maging matalino sa pipiliing kandidato na tunay na maglilingkod. Hindi na nila kaya pang pasanin ang mga pang-aabusong nararanasan sapagkat batid nilang ang kinabukasan ng bayan ay nakasalalay sa kanilang matalinong pagpapasya.

Inaasahang ngayong halalan ay ang mga mahihirap ang tunay na lilitaw na BIDA.

No comments: