Tuesday, March 23, 2010

TODO UNLAD MALAMIG FESTIVAL YR. 2

Isa na namang ganap na tagumpay ang katatapos lang na pestibal na pinamagatang “Todo Unlad Malamig Festival 2”. Ang kasayahan ay isinakatuparan sa loob ng pitong araw mula ika-13 hanggang ika-19 ng Marso 2010 para sa pagdiriwang ng kapistahan ng mahal na Patrong si San Jose. Maraming talento ang ipinamalas ng mga taga Barangay San Jose at mga kalahok mula sa iba’t-ibang larangan ng sining. Ang mga nakiisa at nakisaya ay nagmula sa naturang barangay at kanugnug na bayan para makilahok sa mga nasabing patimpalak.

Iba’t-ibang uri ng patimpalak ang napapaloob sa 7 araw na pagdiriwang na pinamunuan ng KANAYON sa pangunguna ng kanilang pangulo na si G. Rod Guia at VP Elsa F. Zagada sa tulong na rin ni Barangay Chairman, Gener B. Amante at ng buong Sangguniang Barangay. Marami rin ang naghandog o nag-sponsor sa naturang kasayahan katulad ng Pharmawealth Laboratories, Kojie San, Universal Robina Corporation at mga kilalang tao sa larangan ng pulitika.

Ang pagdiriwang ay napapalooban ng iba’t-ibang patimpalak katulad ng Search for Miss Gay San Jose, KANAYON Talent Night and Singing Contest, DSL Night-Dance Competition, Mayor’s Night – San Jose Got Talent, SK Night, Barangay Council’s Night – Starry Starry Night, Battle of the Band sa Rondel Diaz Night at Palarong Bata at Bata Batuta na ginanap mismong umaga ng kapistahan noong Marso 19.

Marami ang namangha sa ipinamalas na sayaw ng mga kasapi ng KANAYON, hindi sila makapaniwala na makikita nila ang mga kasapi ng naturang samahan na magbibigay ng isang sayaw bilang pasinaya at magdulot ng ibayong kasiyahan sa lahat.

Marami rin ang humanga at natuwa sa ginanap na 1 linggong pagdiriwang, ayon nga sa samahan ng mga mediamen ng Seven Lakes Press Corps: “ang Barangay San Jose lang ang natatanging barangay sa lalawigan ng Laguna na nagdaraos ng kakaibang pestibal para sa kanilang kapistahan.” Ang tagumpay ng palatuntunan ay masasabing tagumpay ng barangay sampu ng kanyang kinatawan (FEBautista).
.

COMPUTER PARA SA BJMP

Ang nasa larawan ay sina Jail Warden Senior Inspector Adelaida A. Taburada (dulong kaliwa) at San Pablo District Jail Capt. Arvin T. Abastillas (pangalawa sa kanan) habang tinatanggap mula kina Senador Lito Lapid (pangalawa mula sa kaliwa) at 3rd Dist. of Laguna Rep. Ivy Arago (nasa gitna) ang computer na kanilang ipinagkaloob sa BJMP upang magamit sa maayos at mas epektibong pamamalakad ng naturang ahensiya. Kasama rin sa larawan si GM Mark Lapid ng Philippine Tourism Authority. (Sandy Belarmino)
TROPANG LITO LAPID- Masayang nagpakuha ng larawan ang mga kaibigan at supporters ni Senador Manuel Lito Lapid nang bumisita ito sa Lunsod ng San Pablo noong nakaraang Linggo. (L-R) Mar “Daboy” Rogador, Bb. Cristy Villamor, Sen. Lapid, Nitz Amante, Congresswoman Ivy Arago, City Councilor Dante B. Amante and former City Councilor Dr. Egay Adajar. (SANDY BELARMINO)

Friday, March 5, 2010

SM DEPT. STORE JOBS FAIR SA MARSO 11-12

San Pablo City- Gaganapin ang isang malaking Jobs Fair sa lunsod sa Marso 11-12, 2010 mula 8:00 n.u.-5:00 n.h sa PAMANA Hall, City Hall Cpd. para sa iba’t-ibang trabaho sa itinatayong SM Department Store sa Riverina Cpd., Brgy. San Rafael, lunsod na ito.

Kaya inaanyayahan ni City Admin. Loreto S. Amante at PESO Manager ang lahat ng applicants na magdala ng kanilang resume at recent picture para sa dalawang araw na jobs fair.

Ang mga positions na kinakailangan ay para sa design officer; operations manager/assistant operation/manager/resident engineer; project manager, assistant project manager, project engineer, civil engineer; branch operations manager, assistant branch manager, regional manager, group manager, selling manager/supervisor, counter and checking manager/supervisor; customer service manager/supervisor; marketing manager, warehouse manager/supervisor, customer relations service manager, supervisors/representative, building administrative officer, customer service assistant, inventory assistant, sales assistant, cashier/checker, sales clerk, sales utility clerk/stock clerk, treasury manager/supervisor, accounting manager/officer, store consignor manager/supervisor, fixed assistants and supplies manager, visual display officer, treasury assistant and accounting assistant. (CIO-SPC)

SM DEPT. STORE RETAIL AFFILIATES JOBS FAIR SA APRIL 6 & 7

San Pablo City-Gaganapin sa darating na April 6-7, 2010 ang jobs fair para sa mga job vacancies ng ilang retail store ng SM Department Store na itinatayo sa lunsod. Ito ay gaganapin sa PAMANA Hall, City Hall Cpd. mula 8:00 n.u. hanggang 5:00 n.h.

Ang mga job vacancies ay para sa Pharmacist, Assistant (store operations/warehouse/pharmacy); office assistants (accounting, treasury/human resources); sales clerks/store clerks at delivery drivers.

Ayon kay PESO Manager Loreto Amante na ang ilang retail affiliates na nangangailangan ng mga applicants ay ang Baby Co., SM Appliance Center, Kultura Filipino, Watsons, SM Home World, Surplus Shop, Toy Kingdom, Supplies Station, Hardware Workshop, Sports Central, Ace Hardware at Signature Lines Inc.

Magdala lamang ng resume at recent picture sa nasabing jobs fair o maaaring itong i-email sa Recruit.HRAff.HO@sm-shoemart.com. (CIO-SPC)

Tuesday, March 2, 2010

MINORITY PRESIDENT, IWASAN

May idudulot na panganib ang sigla ng demokrasya sa bansa sa pagkakaroon natin ng maraming kandidato sa panguluhan at ang posibilidad ng matinding pagkakahati-hati na hahantong sa pagkakahalal ng isang minority president.

Hindi malayo ang kaganapang ito sapagkat ang mga kandidatong humaharap sa bayan ay pawang may kanya-kanyang katangian na pinaniniwalaan ng marami nilang tagapagtaguyod, tagahanga at naniniwala sa kanilang mga simulain. Magre-resulta ito sa pagkakahait-hati ng boto ng sambayanang Pilipino patungo sa pagkakawatak-watak.

Para sa isang bansa na walang kandidatong natatalo sapagkat pawang ang idinadahilan ay nadaya ay mabubuo dito ang kulturang pang-talangka na babatak pababa sa sino mang maluluklok dahilang kung may pagkakaisang magaganap may ay ito’y sa hanay ng mga talunan na ang mithiin ay ang makapaghiganti.

Dalawang EDSA na ang naganap sa ating bansa na ayon sa kasalukuyang administrasyon ay niyakap ng mundo ang EDSA 1986 at EDSA 2001 na tinangkilik ng daigdig, subalit may naiibang opinion sa nabigong EDSA III dahil aniya’y kinondena ito ng mga banyaga at ang susunod pang EDSA revolt ay wala nang kapatawaran.

Subalit hindi ganito ang ating nakikita sa pagbabanggaan ng mga pwersa pulitikal ng bansa sapagkat nandoon pa rin ang posibilidad na ang mahahalal ay makakakuha lamang ng 30% bilang ng mga botante na lubhang mababa kumpara sa 70% ng magiging talunan.

Hindi na tayo uusad kapag ito ang naging sitwasyon sapagkat mananatili ang amba ng EDSA na paiinitin ng mga pasistang interes na walang malasakit sa kapakanan ng bayan. Ang kailangan nating mga Pinoy ay ang ganap na pagkakaisa upang maiwasan ang ano mang kaguluhan.

Sikapin nawa natin pagkaraang manalangin na magkaroon at ituon ang konsentrasyon sa tatlong sa palagay nating lahat ay bumubuo ng mga pinakamahuhusay sa kumpol ng mga karapatdapat. Sa kanilang tatlo tayong lahat pumili ng sa palagay natin ay magiging makatwirang pinuno sapagkat ito lang ang paraan upang maiiwasan ang panganib sa pagkakahalal sa isang pangulo na hindi sinasang-ayunan ng mayoryang Pilipino. (NANI CORTEZ)

BIDA

Kung may sektor na sumisikat kapag panahon ng halalan ay ito ang hanay ng mga mahihirap na ginagamit ng mga naghahangad na maluklok sa tungkulin na perlas sa kailaliman ng dagat ang turing sa mga maralita.

Ang pagiging mahirap tuloy ay lumilitaw na isang katangian at ang lahat ay gumagawa ng kaparaanan sa kung paano makakaugnay sa nasabing sektor upang mabingwit at makuha ang simpatiya ng masa.

Sa kung bakit nagiging bida ang mga dahop sa ganitong mga pagkakataon ay sapagkat sa kahalintulad na panahon lamang nagkakaroon ng tunay na pagkapantay-pantay ang lahat, sa dahilang ang boto ng isang pobre at ng isang nakaririwasa ay kapwa isang bilang lamang sa kanilang mapipiling ihalal.

Tinatawag itong kilatis sa alahas kung baga kaya naman pinupuntirya ng lahat ng mga trying hard politician natin sa ngayon sa pamamagitan ng mga katawa-tawa at kakila-kilabot na pagpapanggap na tagapag-sulong ng hanay at kadalasan pa’y ang pagganap na animo’y miyembro ng sektor maralita.

May mga pulitikong nagtagumpay sa ganitong modus ng mga nagdaang panahon subalit nang maluklok sa kapangyarihan ay dagliang lumimot sa sumpaan dahilan upang ang mga mahihirap ay manatiling nagdurusa.

Nagbukas ito sa kanilang kaisipan kung kaya’t ang sektor na ito ay napanday ang isip upang maging matalino sa pipiliing kandidato na tunay na maglilingkod. Hindi na nila kaya pang pasanin ang mga pang-aabusong nararanasan sapagkat batid nilang ang kinabukasan ng bayan ay nakasalalay sa kanilang matalinong pagpapasya.

Inaasahang ngayong halalan ay ang mga mahihirap ang tunay na lilitaw na BIDA.