Sa wakas ay napagtibay na raw ng Sangguniang Panlunsod (SP) ang budget ng mga barangay ng Lunsod ng San Pablo at patapos na rin daw ang mga committee hearing ng Proposed Executive Budget for the Year 2009, na marahil ay isa sa mga pinakahuli sa buong bansa kung hindi man ito ang pinaka-late sa lahat.
Makalipas ang halos limang buwan magmula nang isumite ito ng Tanggapan ng alkalde sa SP ay parang nitong nakaraang dalawang araw ng Martes lang masinsinang napag-usapan sa naturang kapulungan. Ngayon ay medyo normal nang makakakilos ang lahat ng Barangay at Tanggapan ng lokal na pamahalaan kasama na ang pagpaplano ng mga gawaing opisyal na lubusang naantala ng dalawang buwan.
May implikasyon sa pagpapatakbo ng Barangay kung walang aprubadong budget dahil maikukumpara ito sa isang nilalang na may tali sa dalawang kamay. Limitado ang nagagawa niyang pagkilos kung hindi man ito tuwirang inutil. Pakaisipin pa natin na di tulad ng budget ng Lunsod ay ang sa mga Barangay ay may kaukulan nang pondo na nakadeposito sa banko at isang “ministerial duty” na lang masasabi ang pagrerepaso at pagpapatibay ng mga taga-SP.
Anu-ano po ba ang epekto sa mga barangay at sa Lunsod kung walang approved budget? Well, nakita naman at naranasan ng mga San Pableño ang nangyari sa kanila.
Unang-una nakaranas ng pagkabalam sa dapat na isagawang mga proyekto at programa ng Lunsod at 80 barangay na sakop nito sapagkat nakasalalay sa kani-kanilang budget ang mga ito. Paano pa kung ang mga taga-barangay ay umaasa sa indigency program ng munting pamayanan? Hindi kaya nakadama ng hapdi ang mga mahihirap na dinadapuan ng karamdaman, sapagkat kahit na hindi nilo kagustuhan ay mangangailangan silang bumili ng gamot at ito ay kung may pang-bili? Ang tanong marahil ay paano kung walang pera si Brgy. Chairman o Kagawad o sapat lang ang kinikita ng mga mahihirap upang makatawid gutom lamang?
Napipilitan silang umutang kung may mauutangan o sakali mang mayroon ay paano kung hindi kaagad gumaling sa karamdaman? Nahihiya man ay lalapit sila sa pamunuan ng barangay at sa Tanggapan ng Punong Lunsod na wala naman agad na maibibigay na sapat na tulong sapagkat halos ginawang inutil ng SP ang kanilang mga Proyekto at Programa dahil sa pagkabalam ng budget. Gaano kabigat ang naging pagkukulang ng sanggunian sa mga San Pableño sa pag-delay ng ating Budget?
Isa pang masasabing buhay na saksi sa hindi tamang pag-aksyon ng SP sa budget ay ang hindi magamit na “National Aid” o Nasyunal na tulong pinansyal para sa Lunsod ng San Pablo. Ayon sa local govt code ay hindi pwedeng tanggapin at gamitin ang anumang pondong tulong mula sa national gov’t kung hindi pa napagtitibay ang budget ng isang local gov’t na tulad ng San Pablo City. Naapektuhan kaya ng pagkaka-delay na ito ang ating itinayong San Pablo City General Hospital? Hindi kaya ito talaga ang “prime target” upang hindi agad makapagsimula ng operasyon ang naturang Ospital at hindi lalong pumogi sa mahihirap ang kasalukuyang meyur? Paano ang itutulong ng mga senadores? Nadelay din ba ito? Ang ating mga casual employees sa city hall, hindi ba sila naapektuhan ng pagkakadelay ng aprubal?
Ngayong may aprubal na raw ang budget ng mga barangay (na sadya namang ma-a-approve sapagkat mag-a-animnapung araw na ito matapos mapasumite sa Sangguniang Barangay) at tapos na rin daw ang mga committee hearing ng Executive Budget for Year 2009 ay dapat ba tayong magpasalamat sa SP at kay Vice-Mayor? Marapat marahil ay huwag na sapagkat napakahirap namang sabihing “MGA KONSI at VICE-MAYOR, Salamat Po sa pang-gigipit!” Kaya huwag na lang. (SANDY BELARMINO)
Wednesday, March 4, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)